Grupo ng mga guro, umaasang hindi itutuloy sa Setyembre 13 ang pagbubukas ng SY 2021 – 2022

Umaasa ang isang grupo ng mga guro na hindi muna matutuloy ang nakatakdang pagbubukas ng mga klase sa Setyembre 13.

Sa interview ng RMN Manila, sinabi ni Teachers’ Dignity Coalition National Chairperson Benjo Basas na ito ay upang mabigyan muna ng panahon ang mga guro para makapagpahinga.

Paliwanag ni Basas, nagsimula kasi ang School Year 2020 – 2021 noong Hunyo ng nakaraang taon at hanggang sa ngayon ay tuluy-tuloy pa rin naman ang trabaho nila.


Kasunod nito, posible aniyang umapela sila kay Pangulong Rodrigo Duterte na baguhin lalo na’t batid nilang kahit ang Department of Education (DepEd) ang nagrerekomenda ay nasa Pangulo pa rin ang huling desisyon sa petsa ng pagbubukas ng klase.

Batay sa opisyal na pahayag ng DepEd kanina, sa Setyembre 13 na ang unang araw ng School Year 2021 – 2022 matapos aprubahan ni Pangulong Duterte ang inirekomendang petsa ni DepEd Secretary Leonor Briones.

Facebook Comments