Grupo ng mga gurong nagkilos-protesta sa harap ng DepEd, itinaboy ng mga pulis

Hindi pinatapos ng mga pulis ang programa ng Alliance of Concerned Teachers (ACT-Philippines) matapos magsagawa ito ng kilos-protesta sa harap ng Department of Education (DepEd) Central Office pasado alas-10:00 ngayong umaga.

Nagkaroon ng kaunting pagtatalo sa pagitan ng mga otoridad at mga nagrarally dahil sa pilit silang pinapaalis ng mga rumespondeng pulis.

Ayon sa Eastern Police District (EPD), bawal pa rin ngayon ang mga mass gathering dahil nasa ilalim pa rin ang Metro Manila sa General Community Quarantine (GCQ) at walang permit ang kanilang kilos-protesta.


Hindi rin tinanggap ng pamunuan ng DepEd ang letter of demand ng ACT-Philippines para sa ahensya.

Nakapaloob sa letter of demand ng grupo ang panawagan nito na bigyan ng tulong at supporta ang mga gurong nasalanta ng nakaraang bagyo.

Binatikos din ng grupo ang agarang pagbabalik eskwela ng mga guro kahit hindi pa napapalitan ng DepEd ang mga nasirang teaching at learning materials ng dahil sa bagyo.

Partikular na tinukoy ng DepEd ang mga rehiyon ng Region II, III, National Capital Region o NCR, kasama rin ang Region IV-4, IV-B at Region V.

Facebook Comments