Nagsagawa ng rally ang ilang grupo ng mga health worker sa mismong tanggpan ng Department of Health (DOH) sa lungsod ng Maynila.
Ito’y upang kalampagin ang DOH hinggil sa hindi pa naibibigay na sweldo gayundin ang hindi pa nailalabas na meal at transportation allowance.
Bahagya rin nagkaroon ng tensyon, dahil sa pinigilan ang mga health workers ng mga awtoridad na magkasa ng programa.
Sa kabila nito, binigyan ng 10 minutong palugit ng MPD ang mga health worker para magsagawa ng pagkilos.
Hindi pa rin ito nagustuhan ng mga manggagawa ng National Center for Mental Health at iba pang kasapi ng Alliance of Health Workers dahil kanilang iginigiit na pilit silang pinatatahimik hinggil sa paglalabas ng mga pagkukulang ng gobyerno.
Sa kabila nito, naituloy rin ng mga raliyista ang kanilang programa saka nagbanta na babalik sila na mas marami ang bilang.
Nabatid na tinaggihan ng grupo ng health workers ang alok ng kinatawan ng DOH na apat lang sa kanila ang kakausapin para sa dayalogo.