Tiniyak ng grupo ng mga health worker na hindi pa sila hihirit ng “timeout” sa kabila ng pagtaas ng kaso ng COVID-19.
Ayon kay Health Professionals Alliance Against COVID-19 (HPAAC) Spokesperson Dr. Antonio Dans, hindi pa sila hihiling ng anuman sa pamahalaan lalo na’t wala pang sinasabi ang kanilang mga kasamahang frontliner.
Aniya, mahigpit nilang mino-monitor ang sitwasyon sa lahat ng ospital para matukoy kung kailangan na nilang umaksyon para hindi ma-overwhelmed ang mga frontliner.
Giit naman ni HPAAC Committee Member Dr. Aileen Espina, kailangang magpatupad muli ang mga opisina ng alternative working hours at work from home setup at ayusin ang bentilasyon sa mga opisina.
Maliban dito, kailangan din aniyang mas mapalawak pa ang mga espasyong pinupuntahan ng mga tao, maglagay ng mas maraming bike lanes, at dapat umiwas na kumain sa mga kulong na lugar.
Dapat din anilang irekonsidera ng mga Local Government Unit ang desisyon na magpatupad ng curfew dahil mapipilitan lang ang mga tao na magtrabaho sa limitadong oras na maaring maging dahilan ng kumpol ng tao sa daan at mga opisina.