Muling sinugod ng grupo ng mga healthcare worker mula pribado at pampublikong ospital ang tanggapan ng Department of Health (DOH) ngayong araw.
Ito’y upang ipanawagan ang matagal nang hindi nakukuhang health emergency allowance (HEA) mula pa noong COVID-19 pandemic.
Pinangunahan ang protesta ng mga miyembro ng Alliance of Filipino Workers (AFW).
Giit ng grupo, ilang taon nang naaantala ang nasabing allowance na una nang ipinangako noong nakaraang administrasyon.
Bukod dito, hiling din nila na magbitiw sa pwesto si Health Secretary Ted Herbosa lalo na’t hindi naman daw nito nagagampanan ang trabaho.
Wala rin daw nagagawa ang nasabing kalihim para sa kapakanan ng tulad nilang healthcare workers kung saan hindi napakikinggan ang kanilang mga hinaing.
Kaugnay nito, umaapela sila sa kasalukuyang administrasyon na masolusyunan sana ang problema na kanilang kinakaharap sa usapin ng allowances.