Naaasar na ang mga healthcare worker sa tila pagpapaasa lang sa kanila ng Department of Health (DOH) na maibibigay nito ang kanilang COVID-19 benefits.
Sabi ni Alliance of Health Workers (AHW) President Robert Mendoza, hanggang ngayon ay hindi nila nararamdaman ang umano’y pondong nailabas na ng DOH para sa kanilang benepisyo.
Giit niya, napakalaki ng kapabayaan ng ahensya sa mga healthcare worker.
Kung may delicadeza lang din sana aniya si Health Secretary Francisco Duque III ay noon pa dapat siya nag-resign.
Kasabay nito, umapela ang grupo kay Pangulong Rodrigo Duterte na atasan ang DOH at ang Department of Budget and Management (DBM) na kumpletong maibigay sa health workers ang kanilang mga benepisyo bago mag-Pasko.
Nanawagan din sila na taasan ang pondo ng DOH sa susunod na taon nang sa gayon ay hindi na mapilitang magresign ang mga health worker para magtrabaho sa abroad.