Dismayado ang grupo ng mga doktor sa ginawang pagpapatuturok ng mga miyembro ng Presidential Security Group (PSG) gamit ang bakuna kontra COVID-19 na hindi pa aprubado ng Food and Drug Administration (FDA).
Ayon kay Dr. Mario Panaligan, Presidente ng Philippine College of Physicians, wala pang katiyakan kung tatalab ang Sinopharm vaccine na sinasabing ginamit ng PSG.
Sa ngayon, wala pa silang nababasa tungkol sa bisa ng nasabing bakuna.
Nanawagan naman ng transparency sa paggamit ng COVID-19 vaccines sa bansa ang Healthcare Professionals Alliance Against COVID-19 (HPAAC).
Punto ng grupo, kahit aprubado na sa ibang mga bansa ang isang bakuna ay kumplikado ang storage, transportasyon at distribusyon ng mga ito sa publiko.
Kung hindi mahahawakan nang maayos, maaari itong masira at mawalan ng bisa.
Una rito, sinabi ni Interior Secretary Eduardo Año na hindi na kailangan ang transparency kung donasyon ng mga pribadong indibidwal ang bakuna.