Hihirit ng ₱2 taas-pasahe sa jeep ang Federation of Jeepney Operators and Drivers Association of the Philippines (FEJODAP) sa kabila ng muling pagtaas sa presyo ng produktong petrolyo ngayong linggo.
Ayon kay FEJODAP National President Ricardo Rebaño, ₱2 ang ihihirit nila sa pamahalaan para maibsan ang pasanin ng mga tsuper na kasalukuyang bumabalik na sa paghahanap-buhay.
Aniya, malaking pasakit na naman daw ito sa mga jeepney driver lalo pa’t marami sa mga ito ay hindi pa makabili ng kumpletong gamit para sa kanilang mga anak ngayong face-to-face classes.
Dadag pa ni Rebaño, akala nila ay magtutuloy-tuloy na ang pagbaba ng presyo ng produktong petrolyo pero dahil sa muling pagtaas nito ay nangangamba sila na baka bumalik na naman ang maraming mga tsuper sa pagko-construction.
Samantala, sinabi naman ni Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) Chairperson Cheloy Garafil na maaari namang maghain ng petisyon ang FEJODAP at magsasagawa naman ang ahensya ng pagdinig at ebalwasyon hinggil dito.