Friday, January 30, 2026

Grupo ng mga kababaihan, nagkasa ng rally kontra korapsiyon sa Maynila

Nagsagawa ng rally ang grupong Gabriela sa lungsod ng Maynila upang ipanawagan ang pagpapapanagot sa mga nasa likod ng malawakang korapsiyon sa pamahalaan.

Mula Recto Avenue, nagmartsa sila patungong Mendiola upang iparating ang kanilang mga hinaing kasabay ng paggunita ng International Day for the Elimination of Violence Against Women (IDEVAW), na kick-off din ng One Billion Rising Philippines (OBR PH) campaign.

Ayon kay Clarice Palce, Gabriela Secretary-General, hinihikayat niya ang kapwa kababaihan na makibahagi sa kanilang hakbang upang labanan ang korapsiyon at pasismo.

Aniya, sa kabila ng pagkagutom at matinding paghihirap na nararanasan ng maraming pamilyang Pilipino, patuloy na nagpapakasasa at nilulustay ng ilang tiwaling politiko at opisyal ng pamahalaan ang pondo ng bayan.

Dapat aniya ay inilalaan ang pondo para sa kapakinabangan ng bawat pamilyang Pilipino, at hindi napupunta sa mga proyektong nagpapalakas sa puwersa ng militar na umano’y tumatarget sa mga nagpapahayag ng boses ng bayan.

Kaugnay nito, hindi titigil ang kanilang grupo hangga’t hindi nawawakasan ang bulok na sistemang patuloy na nagpapahirap at nang-aapi sa kababaihan.

Facebook Comments