Grupo ng mga kababaihan, nagtipon-tipon para ipakita ang pagkontra sa Cha-cha kasabay ng pagdiriwang ng Women’s Month

Nagtipon-tipon ang nasa 17 grupo ng mga kababaihan upang ihayag ang kanilang pagtutol sa isinisulong na Charter Change (Cha-cha).

Ito’y kasabay ng pagdiriwang ng Womens Month kung saan iginigiit nila na hindi Cha-cha ang kasagutan sa krisis na nararanasan sa bansa.

Giit ng iba’t-ibang samahan ng kababaihan, mas maraming dapat tutukan ang kasalukuyang pamahalaan hindi ang Cha-cha.


Ilan sa kanila ay ipinanawagan na ayusin muna sana ang problema sa sweldo, taas presyo ng bilihin, red tagging, kabuhayan at karapatan pantao lalo na sa mga kababaihan.

Paliwanag pa ng grupo, ang isinusulong na Cha-cha ay para sa kapakanan ng iilan kung saan nanganganib na maibenta ang ilang pag-aari ng gobyerno at mga lupa

Kaugnay nito, hinihikayat nila ang publiko na makiisa sa ikakasang protesta sa Biyernes, March 8 kasabay ng selebrasyon ng Women’s Day upang ipakita ang pagtutol sa isinusulong na Cha-cha.

Facebook Comments