Nagkasa ng kilos-protesta ang ilang grupo ng mga kabataan sa Mendiola, Maynila na tutol sa Maharlika Investment Fund Law.
Pinangunahan ito ng mga kabataan na miyembro ng Student Christian Movement of the Philippines (SCMP).
Giit ng grupo, hindi malinaw at hindi maipaliwanag ng gobyerno kung saan kukunin ang pondo para sa nasabing batas.
Maging ang mga ia-appoint na board of directors na mamahala sa Maharlika Investment Corporation ay kinukuwestyon din nila lalo na’t nakarating sa kanilang kaalaman na pawang malapit sa Pangulong Bongbong Marcos Jr., ang mga ito.
Napag-alaman pa ng grupo na nasa P500 billion ang pondo ng Marhalika Investment Corporation kung kaya’t nababahala sila kung saan ito mapupunta.
Muli nilang ipinapaliwanag na marami pa sanang mapupuntahan ang pondo tulad sa wage increase, agrarian reform, sektor ng edukasyon, kalusugan, pabahay, social service at iba pa na tila napabayaan at hindi na natututukan ng kasalukuyang administrasyon.
Inihayag pa nila na tila walang mapupuntahan o maaaksaya lamang ang pondo na dapat sana ay taumbayan ang makikinabang.