
Nagsagawa ng kilos-protesta ang ilang grupo ng kabataan sa harap ng tanggapan ng Department of Public Works and Highways (DPWH) para kondenahin ang matinding korupsiyon at pagpapabaya ng gobyerno sa perwisyong dulot ng pagbaha.
Kabilang sa mga nagprotesta ang mga kabataan na mula sa iba’t ibang unibersidad na isinigaw ang kanilang naging karanasan dahil sa matinding pagbaha sa kauna-unahang pagkakataon kaya kinailangan nilang lumusong.
Panawagan pa ng mga kabataan, una dapat ang serbisyo sa tao at huwag itong gawing negosyo.
Nais ng grupo na papanagutin ang patuloy na nangyayaring korupsiyon umano sa hanay ng DPWH gayundin ang malinaw na kawalan ng tugon ng gobyerno sa nangyayari sa lipunan.
Nagpahayag ng pagkadismaya ang buong hanay ng kabataan at estudyante dahil sa umano’y pangungurakot ng mga opisyal ng DPWH at mga pulitikong pinakinabangan ang kaban ng bayan.
Bantay-sarado ng mga pulis, security guard, at barangay tanod ang paligid ng tanggapan ng DPWH upang mapanatiling maayos at payapa ang kilos-protesta.









