Naghain na rin ng petisyon sa Korte Suprema laban sa Anti-Terrorism Act ang grupo ng Moro, indigenous at civil society organization leaders mula Mindanao.
Ito na ang ika-26 petisyon na inihain sa Supreme Court laban sa nasabing batas.
Nagsilbing kinatawan ng grupo si dating Ateneo School of Government Dean Tony Laviña.
Kabilang sa petitioners si Bangsamoro Feminist Leader Samira Gutoc; Indigenous leaders Joanna Cariño, Beverly Longid, Nora Sukal, Teresa Dela Cruz, at Kakay Tolentino; gayundin ang Lumad school teachers na sina Rose Hayahay at Chad Errol Booc; at Judy Pasimio.
Hiniling din ng mga katutubo na ideklarang “null and void” ang batas at maglabas ng Temporary Restraining Order (TRO) para mapahinto ang pagpapatupad ng Anti-Terrorism Law.
Ayon kay Dean Tony Laviña, malaki ang magiging implikasyon ng naturang batas sa IPs at Moro dahil palagi silang target ng mga pag-atake mula sa gobyerno, mula sa mining companies at iba pang malalaking kumpanya dahil sa pakikipaglaban para sa kanilang mga karapatan sa kanilang mga ancestral domain.
Respondents naman sa petisyon ang Anti-Terrorism Council, Kamara, Senado at ilang miyembro ng Gabinete ng Pangulong Rodrigo Duterte.