Kinalampag ng grupo ng magsasaka ang Korte Suprema para magkaroon ng representative o kinatawan sa Mababang Kapulungan ng Kongreso.
Ito’y matapos maglabas ng “status quo ante order” ang Supreme Court noong 2022 na nagpapa-suspende sa proklamasyon ng Commission on Elections (COMELEC) sa negosyanteng si Robert Gerard Nazal Jr., bilang kinatawan ng Magsasaka Party-list.
Matapos umano ang halos dalawang taon mula noong huling halalan ay hindi pa rin ramdam at walang boses ang kanilang sektor para isulong ang mga interes at karapatan sa Kongreso, dahil walang umuupong kinatawan ang kanilang partido.
Ito’y sa gitna rin ng kabi-kabilang isyu sa sektor ng agrikultura, tulad ng mataas na presyo ng mga bilihin, pagpasok ng mga imported na produkto, smuggling, at epekto ng El Niño.
Iginiit naman ng grupo na hindi nararapat umupong kinatawan sa Kongreso si Nazal dahil wala umano siya sa listahan ng mga nominees ng partido noong halalan, dahil kumandidato siya para sa ibang party-list.