Posibleng bumaba ang suplay ng gulay at bigas sa bansa.
Ito ang ibinabala ng Federation of Free Farmers sa harap ng inaasahang pagtama ng El Niño sa mga susunod na buwan.
Paliwanag ni Leonardo Montemayor na dati ring kalihim ng Department of Agriculture (DA), malaki ang pangangailangan ng mga pananim sa tubig kaya malaki ang magiging impact sa ani kung severe o matindi ang mararanasang tagtuyot.
Kaugnay nito, hinikayat ng grupo ang DA na paghandaan ang posibleng pagpapalit ng ibang pananim na may kakayahang maka-survive sa matinding init.
Samantala, ayon sa Bureau of Plant Industry, may mga hakbang na silang ipinatutupad upang paghandaan ang El Niño gaya ng pagpapabuti ng irigasyon.
Sa pamamagitan naman ng teknolohiya ay may dine-develop na rin ang ahensya na mga climate-smart varieties o mga pananim na pwedeng mabuhay kahit mainit ang panahon at kakaunti ang tubig.
Makatutulong umano ito upang may maani pa rin ang mga magsasaka kahit may El Niño.