Naglatag ng mga solusyon ang grupo ng mga magsasaka upang maisakatuparan ang plano ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na maibaba ang presyo ng bigas.
Ayon kay Bagong Maunlad na Pilipinas Movement President Gary dela Paz, kabilang dito ang pagpapapababa ng farm gate price ng bigas sa ₱6, mula sa kasalukuyang ₱17.86.
Aniya, kakayaning maibaba sa ₱10 ang kada kilo ng bigas kung magpapatupad ng direct to consumer logistics model tulad ng ginagamit sa Kadiwa Express program ngayong panahon ng pandemya.
Iminungkahi rin ni Dela Paz ang paggamit ng electric o solar mechanization para mabawasan naman ang pagdepende ng mga magsasaka sa fossil fuel.
Kaugnay nito ay nagsumite ng liham ang grupo kay Pangulong Marcos at umaasa silang makatutulong ang mga ito sa kampaniya ng pangulo na ireporma ang sektor ng agrikultura upang makamit ang food sufficiency at food security sa bansa.