Nanawagan ng suporta ang Parents Against Vape (PAV) sa mga kapwa magulang upang mahigpit na tutulan ang plano ng Philip Morris International Inc (PMI) na ibenta sa mga sari-sari store sa buong bansa ang heated tobacco product na BONDS ng IQOS.
Ang BONDS ng IQOS ay isang e-cigarette product ng PMI na ipinakilala kamakailan sa publiko at mabibili na sa Metro Manila at inaasahang ibebenta rin sa mga sari-sari store ngayong 2023.
Giit ng grupong PAV, ang nicotine ay nakasasama lalo na sa kalusugan ng mga bata lalo na sa development ng kanilang utak kaya dapat na matiyak na maiiwas ang mga bata na ma-expose sa e-cigarettes.
Binigyang-diin ng grupo na ang e-cigarettes o ang vaping ay isang seryosong usapin sa public health lalo na’t hindi pa rin ito ligtas dahil mayroon itong nicotine.
Batay aniya sa US Centers for Disease Control and Prevention (CDC), nagde-develop ang utak ng isang tao hanggang 25-years old kaya ang paggamit ng nicotine sa mga kabataan ay tiyak na makakasama sa kanila lalo na sa kanilang mood, impulse control at kakayahang matuto.
Bukod dito, nababahala rin ang PAV sa epekto ng e-cigarettes sa baga ng tao.
Batay sa US-CDC, maaaring napuno ang bago ng isang tao ng aerosols, tulad ng nicotine.
Bilang magulang, sinabi ng grupo na isang magandang regalo sa ating mga anak ang kanilang mabuting kalusugan at ligtas sa vapes at e-cigarettes.