Nanawagan ang organisasyon ng mga industrialized nations na ‘Group of Seven’ na suspindehin ang Russia mula sa United Nations Human Rights Council dahil sa pananakop nito sa Ukraine.
Ayon sa mga foreign minister mula Canada, France, Germany, Italy, Japan, United Kingdom at Amerika, kumbinsido na sila upang suspindehin ang membership ng Russia sa naturang human rights body.
Dagdag pa nito, suportado rin ng G7 ang nagpapatuloy na imbestigasyon at pangangalap ng ebidensya kaugnay sa mga nagawang war crimes at crimes against humanity ng Russia.
Nakatakda namang bumoto ang UN General Assembly sa kahihinatnan ng Russia mula sa UN Human Rights Council bunsod ng alegasyon na pinagpapatay ng Russian troops ang mga sibilyan sa Bucha, Ukraine.
Samantala, nagkasundo ang kongreso ng Amerika na tuldukan na ang normal trade relations sa Moscow bilang dagdag na parusa sa Russia.
Sa ilalim ng panukala ay damay rin ang kakampi ng Russia na Belarus dahilan para magpataw ng mas malaking taripa sa mga produktong inangkat galing sa dalawang bansa.