Muling nanawagan ang grupo ng mga manggagawa sa gobyerno na ibasura ang kontrobersyal na Anti-Terrorism Bill na posibleng makaapekto rin sa sektor ng paggawa.
Ayon kay Nagkaisa Coalition Chairperson at Federation of Free Workers President Sonny Matula, may mga probisyon ang nasabing panukalang batas na labag sa Saligang Batas gaya na lamang ng Section 29 o ang Detention without Judicial Warrant of Arrest.
Hindi aniya naniniwala ang mga manggagawa rito dahil may kapangyarihan ang nasabing bill na tukuyin ang terorista base lamang sa simpleng suspetsa.
Sinabi naman ni Trade Union Congress of the Philippines (TUCP) Assistant General Secretary Louisivi Oliva, kailangan ng mga manggagawa ng mga programa para masiguro ang kanilang trabaho at hindi ang katulad ng Anti-Terrorism Bill.
Bunsod nito, magsasagawang muli ng kilos protesta sa June 30, 2020 ang iba’t ibang samahan ng mga manggagawa para mas mapalakas ang kanilang panawagan na ibasura ang nasabing panukalang batas.