Grupo ng mga manggagawa, nagkasa ng kilos-protesta hinggil sa isyu ng dagdag na P35.00 sa minimum wage

Nagkasa ng kilos-protesta sa tanggapan ng Regional Tripartite Wages and Productivity Board (RTWPB) National Capital Region (NCR) sa Maynila ang grupo ng mga manggagawa.

Ito’y para ipakita ang kanilang pagkadismaya sa ipinatupad na P35.00 na dagdag na minimum wage sa Metro Manila.

Pinangunahan ng Kilusang Mayo Uno (KMU), Bukluran ng Manggagawang Pilipino (BMP) at Samahan ng Progresibong Kabataan (SPARK) ang protesta.


Giit ng grupo, hindi sapat ang inaprubahan na dagdag sahod lalo na’t mataas pa rin ang presyo ng bilihin.

Ipinapanawagan pa ng grupo na dapat ay nasa P1,027 ang minimum wage sa NCR upang maging sapat naman at maayos ang pamumuhay ng bawat pamilya sa rehiyon.

Una silang naghain ng petisyon sa nasabing tanggapan para iapela ang pagpapatupad na P35.00 na dagdag sweldo kung saan pag-aralan sana ang kasalukuyang datos ng Philippine Statistic Authority (PSA) hinggil sa antas na pamumuhay ng mga mahihirap na pamilya.

Facebook Comments