
Mahigit 300 miyembro ng Kilusang Manggagawang Socialista ang nagmartsa mula España patungong Mendiola para magsagawa ng kilos-protesta ngayong Huwebes.
Ito ay upang ipanawagan na buwagin ang umano’y korap at elitistang pamahalaan at magkaroon ng gobyernong para talaga sa mga ordinaryong tao.
Ayon sa grupo, sawa na ang mga tao sa paulit-ulit na imbestigasyon sa Senado, Kongreso, at Independent Commission for Infrastructure na wala namang napaparusahan.
Sabi ni Ding Villasin, tagapagsalita ng Socialista, patuloy na nagdurusa ang mga Pilipino dahil sa korapsyon, lalo na sa gitna ng mga kalamidad at sira-sirang imprastraktura.
Bilyon-bilyong piso anila ang nawawala taon-taon sa mga proyekto at kickback ng ilang opisyal at kontraktor, habang ang mahihirap ang laging apektado ng baha, gutom, at kawalan ng tirahan.
Nanawagan ang grupo sa mga manggagawa at taumbayan na wakasan ang paghahari ng mga mayayaman at maitayo ang gobyernong tunay na naglilingkod sa masa.









