Nagkasa ng kilos protesta ang grupo ng mga manggagawa sa mismong tanggapan ng Department of Labor and Employment (DOLE) sa Intramuros, Maynila.
Ito’y upang muling ipananawagan sa adminstrasyong Duterte na tapusin na ang kontraktwalisasyon at itaas sa P750 ang miniumum wage ng mga manggagawa.
Bukod dito, nais ng Kilusang Mayo Uno (KMU) na mabigyan ng ayuda ang mga manggagawa na nawalan ng trabaho bunsod ng COVID-19 pandemic.
Iginigiit ng grupo na limang taon ng nakaupo bilang pinuno ng bansa si Pangulong Rodrigo Duterte at Labor Sec. Silvestre Bello III pero ang mga pangako nito sa hanay ng mga manggagawa ay hindi pa naisasakatuparan hanggang sa ngayon.
Panawagan din nila na itigil na ang red-tagging at pangha-harass sa mga grupo ng manggagawa kung saan ang iba sa kanila ay ikinukulong habang ang ilan ay pinapatay lalo na kung naglalabas ng kanilang saloobin.
Kaugnay nito, hinahamon nila si Bello bilang kalihim ng DOLE at incoming chairman ng International Labor Organization (ILO) na tugunan at solusyunan ang problema ng mga manggagawa sa bansa.