Grupo ng mga mangingisda, hiniling sa Korte Suprema na baliktarin ang desisyon na pumapayag sa commercial fishing sa municipal waters

Ilang indibidwal na kinabibilangan ng mga mangingisda ang naghain ng petisyon ngayong araw sa Korte Suprema upang hilingin na baliktarin ang desisyon kaugnay sa commercial fishing sa municipal waters.

Ipinanawagan ng mga small scale fisher sa ilalim ng KKAMPi o Katipunan ng mga Kilusan ng mga Artisanong Mangingisda sa Pilipinas, at ibang environmental groups na huwag pahintulutan ang pangingisda ng mga commercial fishing vessel sa mga baybaying may layong 15 kilometro mula sa pampang.

Ang naunang desisyon anila ng Korte Suprema na payagan ang commercial fishing ng ganito kalapit ay kawalan ng pagsasaalang-alang sa kapakanan ng mga maliliit na mangingisda lalo na’t dati nang naitala ang mga insidente na nasisira ang mga bahura at ang mga itlog o maliliit na isda para lamang mas dumami ang kanilang huli.


Salungat din umano ito sa mga proyekto at programa ng pamahalaan sa pagpapangalaga ng katubigan ng bansa gaya ng pagtatayo ng mga Fisheries Management Areas, Coastal Resource Management (CRM), at Fisheries and Coastal Resiliency (FishCoRe) project at hindi rin anila sang-ayon sa katatapos lamang na National Plan of Action for Small-Scale Fisheries.

Facebook Comments