Kukunin ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) ang serbisyo ng fisherfolk upang mapigilan ang pagdami ng water hyacinths o water lilies sa major waterways partikular na sa Pasig River at Laguna de Bay.
Ang problema sa pagdami ng water hyacinths ang isa sa napag-usapang isyu sa pakikipagpulong ni Environment Undersecretary for Solid Waste Management and Local Government Units Concerns Benny Antiporda sa mga miyembro ng Manila Bay Anti-Pollution Task Force bilang bahagi ng isinasagawang rehabilitasyon ng Manila Bay.
Ang pagkalat ng “invasive water species” ay isa sa nakikitang dahilan kung bakit nahahadlangan ang maayos na pagdaloy ng tubig sa mga waterways.
Bumuo rin ng isang Sub-committee on Water Hyacinths upang makontrol at mabawasan ang pagdami ng water plant habang ang Manila Bay APTF ay tinitingnan ang posibilidad na kunin ang serbisyo ng local fisherfolk para tanggalin ang mga water lilies.
Sinabi pa ni Antiporda na ang isa sa target ng task force ay tiyaking walang makikitang floating debris sa Manila Bay at tributaries nito.