Muling nagsagawa ng kilos-protesta ang grupo ng mga nurse sa tanggapan ng Department of Health (DOH).
Ito’y upang kanilang ipanawagan ang pamahalaan ang nararapat na benepisyo, allowances at seguridad sa kanilang trabaho kasabay ng nalalapit na National Nurse Week sa huling linggo ng Oktubre.
Partikular na nagkasa ng kilos-protesta ang grupo ng Filipino Nurse United (FNU) na kinabibilangan ng mga miyembro nito mula pribado at pampublikong hospital tulad ng St. Lukes Hospital, Metropolitan Medical Center, Jose R. Reyes Memorial Medical Center at iba pa.
Giit ng grupo na hindi pa rin natutugunan ng gobyerno ang kanilang mga hinaing lalo na’t ilan sa kanila ay lubos na nahihirapan sa kanilang trabaho bunsod ng COVID-19 pandemic.
Isa pa sa ikinadismaya ng grupo ang naging proposal ng DOH sa 2022 budget kung saan kulang ang pondong ilalaan sa mga tulad nilang healthcare worker.
Iginit ng FNU na insulto ito sa mga katulad nilang nurse lalo na’t hindi pa ganap na naibibigay ang nararapat na allowances, hazard pay at iba pang benepisyo sa ilalim ng Bayanihan 2.
Bukod sa sweldo at benepisyo, hiling din nila na ang proteksyon at kaligtasan ng bawat nurse sa buong bansa laban sa COVID-19.