
Nakatakdang dumulog sa Korte Suprema ang ilang grupo ng mga Overseas Filipino Worker para hilingin na ipawalang bisa ang pagsasapribado sa Ninoy Aquino International Airport o NAIA.
Ito’y kasunod ng isinagawa nilang petition signing ngayong araw.
Ayon sa tagapagsalita ng Migrante Pilipinas, hihilingin nila sa Korte Suprema na ipatigil ang privatization na itinuturong dahilan ng ipatutupad na taas bayarin sa susunod na buwan o sa darating na Setyembre.
Kahit pa sinabi ng New NAIA Infra Corporation na hindi maapektuhan sa taas-bayarin ang mga Overseas Filipino Workers (OFW) ay ang kanilang pamilya naman ang mahihirapan dahil sa taas ng presyo ng bilihin sa bansa.
Kabilang sa mga pumirma ang ilang miyembro ng Migrante International, Samahan ng DH sa Gitnang Silangan, Concerned Seafarers of the Philippines, SUKI at Damayang Migrante.
Samantala, inaasahan naman ang mga ikakasang kilos-protesta ng iba’t ibang grupo sa buong Metro Manila at nakahandang makipagdayalogo sa pamunuan ng NNIC para malinawan at ipaintindi ang epekto ng pagsasabribado ng NAIA.









