Grupo ng mga pharmacist, humiling ng training para sa COVID-19 vaccination sa mga botika

Humihiling ng training para sa mga pharmacist ang Drugstores Association of the Philippines (DSAP) bago ang pag-arangkada ng pilot vaccination kontra COVID-19 sa mga botika.

Ayon kay DSAP Chairman of the Board Jovelun Blancaflor, wala pang nabibigyan ng training sa kanilang mga pharmacist.

Aniya, bagama’t nakakatuwang ikinokonsidera ng gobyerno na gawing vaccination site ang mga botika ay hindi pa sila handa na magbakuna sa publiko.


Dagdag pa ni Blancaflor na maliit na botika ang mga miyembro nila at nakadepende sila sa Philippine Pharmacists Association.

Gayunpaman ay nauna nang sinabi ni Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire na pitong botika pa lamang ang kasali sa inisyal na rollout sa Enero 20 at 21 at ang mga pharmacist sa mga botikang ito ay isasailalim sa training.

Samantala, tiniyak naman ni Testing Czar at Presidential Adviser for COVID-19 Response Secretary Vince Dizon na palalawakin pa ang pagbabakuna sa mga botika at ilang klinika sa bansa sa pamamagitan ng pagtanggap ng walk-in at pagbabakuna ng primary doses sa mga susunod na linggo.

Facebook Comments