Grupo ng mga pribadong paaralan, tutol sa full face-to-face classes sa Nobyembre

Tutol ang grupo ng mga pribadong paaralan sa plano ng Department of Education (DepEd) na ibalik ang 100% face-to-face classes sa Nobyembre.

Ayon sa Federation of Associations of Private Schools and Administrators (FAPSA), hindi pa handa ang bansa para bumalik sa full face-to-face classes at marami pa rin ang magulang na ayaw pabalikin sa mga paaralan ang kanilang mga anak dahil sa COVID-19 pandemic.

Maliban dito ay umapela rin ang Coordinating Council of Private Educational Associations of the Philippines (COCOPEA) sa DepEd na pag-isipang muli ang naturang plano at nanawagang panatilihin ang opsyon na blended learning, kung saan natututo ang mga bata sa parehong face-to-face classes at mga distance learning modality.


Samantala, nais namang makipagdayalogo ng Teacher’s Dignity Coalition (TDC) kay Vice President at Education Secretary Sara Duterte-Carpio hinggil sa panawagan na i-extend ang pagbubukas ng klase dahil hindi pa nakakapagpahinga ang mga guro sa kasalukuyang school year.

Ayon kay TDC Chairman Benjo Basas, nakahanda naman aniya silang gampanan ang tungkulin ngunit kailangan pa rin nila ng sapat na pahinga para makapaghanda, lalo na sa full face-to-face classes.

Facebook Comments