Manila, Philippines – Inatasan ng Manila Regional Trial Court branch ang mga pulis na nagsagawa ng raid sa selda ng napaslang na si dating Albuera Leyte Mayor Reynaldo Espinosa na dumalo sa isasagawang pagdinig sa kaso bukas, Nobyembre a-10, alas-8:30 ng umaga.
Kabilang sa mga ipinatawag ni Judge Silvino Pampilo, Jr ng Manila RTC Branch 26 sina P/Supt. Marvin Marcos, P/Chief Inspector Jovy Espenido at mga tauhan ng PNP CIDG na nagsagawa ng pagsalakay sa selda ng dating alkalde na nagresulta sa kanyang kamatayan.
Bukas ay itinakda ni Judge Pampilo ang Pre-Trial sa kasong illegal trading and distribution of illegal drugs o paglabag sa Republic Act 9165 laban kay Kerwin Espinosa, na anak ng napatay na si dating Mayor Espinosa.
Ang pagpapatawag ay bahagi ng marathon hearing na bahagi ng proseso ng speedy trial upang maigawad ang hustisya sa kaso sa madaling panahon.
Matatandaang tinanggal ni Judge Pampilo ang pangalan ni Mayor Espinosa sa mga akusado sa kaso kasunod nang kanyang pagkamatay sa gitna ng pagsalakay ng PNP CIDG sa loob ng selda sa Leyte District Jail sa Baybay City kung saan siya nakapiit.