Cauayan City, Isabela- Maituturing na pasakit ng grupong Bantay Bayan Riders Association of the Philippines para sa ilang motorista ang napipintong paggamit ng barrier sa mga motorsiklo bilang panlaban umano sa coronavirus disease 2019.
Ito ay matapos aprubahan ng Inter-agency Task Force on Emerging Infectious Diseases ang mungkahi ni Bohol Gov. Arthur Yap sa paglalagay ng barrier sa mga angkas.
Ayon kay Ginoong John Allam, Regional Coordinator, Bantay Bayan Rider Association of the Philippines, gumagamit din naman ng facemask ang publiko at helmet kaya bakit aniya kinakailangan pa ng barrier sa pagitan ng angkas.
Aniya, hindi maituturing ng grupo ang kapasidad ng bagpack type barrier dahil posibleng maisama sa katawan ng driver kung lilingon man ang mga ito ng kaliwa’t kanan.
Giit pa ni Allam, sapat na ang pagsusuot ng isang helmet na may visor para makaiwas sa posibleng paghawa ng virus at makaiwas sa posibleng dulot ng aksidente.
Isa ang ‘safe backriding’ sa mga adbokasiya ng nasbaing grupo subalit imumungkahi rin nila ang iba’t ibang posibleng kahihinatnan sakaling maumpisahan ang nasabing barrier.