Grupo ng mga taxi operator, inapela na sa LTFRB na itaas sa ₱70 ang flag-down rate sa taxi

Muling umapela ngayon ang grupo ng mga taxi operator sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na itaas na ang flag-down rate sa taxi.

Dahil na rin ito ng sunod-sunod na taas presyo sa produktong petrolyo.

Giit ng Philippine National Taxi Operators Association, mula sa kasalukuyang ₱40 ay pina-aakyat na nila sa LTFRB ang flag-down rate sa taxi sa ₱70.


Ayon sa presidente ng grupo na si Bong Suntay, taong 2021 pa nila hiniling sa LTFRB na itaas na sa ₱70 ang flag-down rate ngunit na-pending ito ng isang taon.

Nabatid na taong 2017 pa huling nagtaas ng flag-down rate sa taxi ang grupo.

Binigyang-diin ni Suntay na wala nang kinikita ang mga taxi driver dahil sa sobrang mahal ng presyo ng petrolyo lalo na’t ang ilan sa mga ito ay nagbabayad pa ng boundary na aabot sa ₱900 hanggang ₱1,300.

Facebook Comments