Grupo ng Taiwanese, Japanese nagrambol dahil sa kulangot

Stock photo via star2.com

Nauwi sa rambolan ang inuman ng grupo ng mga Taiwanese at Japanese sa loob ng bar sa Ermita, Maynila, dahil lamang umano sa kulangot.

Ayon kay PCol. Igmidio Bernalez, station commander ng Manila Police District-Police Station 5, dinala sa tanggapan ng MPD-General Assignment and Investigation Section (MPD-GAIS) ang Japanese national na si Shisaku Fujita, negosyante, at mga kamag-anak na sina Kieth Ravina, 27, at Louigie Villanueva, 22.

Dinakip din ang mga Taiwanese national na sina Chun Yi Shen, 30, Po Yu Lin, 35, Chen Chang Wu, 30, at Wen Yu Chang, 35, habang nakatakas naman ang tatlo pa nilang kasama.


Base sa ulat, kapwa nag-iinuman sa magkabilang lamesa ang dalawang grupo sa Capricorn bar sa Ermita, bandang alas-4 ng umaga.

Nagkakainitan na umano ang magkabilang grupo dahil sa ginagawang pagdaan-daan ng mga Taiwanese sa kasamang babae ng Japanese.

Hanggang sa sinundan ng isang Taiwanese si Fujita sa banyo at saka umano pinahiran ng kulangot sa mukha.

Sinundan ito ng bangayan ng dalawa na nauwi sa batuhan ng bote ng magkabilang grupo.

Agad namang dumating ang mga pulis at binitbit ang mga sangkot sa gulo.

Facebook Comments