Grupo ng travel agencies sa bansa, umalma sa pahayag ng DOTr tungkol sa pagbili ng airline tickets direkta sa airline companies

Umalma ang mga grupo ng travel at tourism sa bansa sa harap ng panawagan kamakailan ng Department of Transportation (DOTr) sa publiko na bumili ng kanilang mga ticket sa eroplano na direkta mula sa mga airline company.

Sa isang joint statement ng grupo ng travel agencies sa pangunguna ng Philippine Travel Agencies Association, ipinahayag nito ang kanilang matinding pagkabahala sa pahayag ni DOTr Secretary Vince Dizon na nagpapayo sa publiko na bumili lamang ng mga ticket sa pamamagitan ng mga direktang airline channel.

Dagdag pa ng grupo na bagama’t kinikilala nila ang layunin ng gobyerno na protektahan ang mga consumer at i-streamline ang travel process, ang pahayag na ito ng DOTr ay magdudulot upang makasira sa mahalagang papel ng mga lehitimong accredited travel agencies na mga eksperto sa travel services.

Matatandaan na noong nakaraang Lunes ay nagpahayag ng pagkabahala ang DOTr at Civil Aeronotics Board kaugnay ng napakataas na presyo ng ticket ng isang website na nagbebenta ng airline tickets.

Giit ng grupo na maapektuhan din ng nasabing pahayag ng DOTr ang iba pang mga platform ng travel industry.

Binigyang-diin ng grupo na ang mga stakeholder sa travel and tourism lalo na ang mga miyembro nito ay mahigpit na sumusunod sa mga pamantayan ng Intermational Air Transport Association o IATA at gayundin sa Depratment of Tourism (DOT) at Civil Aeronautic Board.

Nais imbitahan ng travel and tourism groups ang DOTr sa isang “collaborative dialogue” para sa isang safe, informed at accesible travel para sa lahat ng Pilipino.

Facebook Comments