
Umapela ang grupo ng tricycle operators at drivers sa National Capital Region (NCR) na dapat ipatupad ang pagbabawas ng libo-libong mga sobra at iligal na motorcycle taxi units.
Ito ay kaugnay sa kautusan ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board o LTFRB na ipahinto ang pagdadagdag ng bagong riders ng motorcycle taxi na Move It at pinagsusumite rin sila ng verified na listahan ng mga aktibong rider.
Sa pulong balitaan ngayong hapon sa Maynila, sinabi ng grupong NCR TODA na nilabag ng Move It ang mismong patakaran nang aminin nilang nasa mahigit 14,000 na riders ang naka-deploy sa platform gayong nasa mahigit 6,000 lamang ang pinapayagan sa ilalim ng pilot program.
Giit pa ng grupo, hindi naman gaanong makakaapekto sa karamihan ng riders lalo na’t ang iba sa mga ito ay nagtatrabaho rin sa ibang platform.
Hindi naman aniya hanapbuhay ang tinatanggal kundi ang iligal na operasyon na hindi sumusunod sa proseso.
Nito lamang weekend, ipinag-utos ng Department of Transportation na huwag munang ipatupad ang utos ng LTFRB matapos maghain ng motion for reconsideration ang Move It.
Panawagan naman ni Geminiano Eduardo, isa sa federation president, balansehin ng DOTr ang kapakanan ng riders at mga tricycle operators.









