Cauayan City, Isabela- Hinimok ng Provincial Social Welfare Development Office (PSWDO) Isabela ang mga indibidwal o grupo na magbibigay ng donasyon na mangyaring sumangguni muna sa kanilang tanggapan para mabigyan ng kaukulang resibo bago ito ipamahagi sa mga pamilyang naapektuhan ng kalamidad.
Ayon kay PSWD Officer Lucy Ambatali, paraan ito ng ahensya upang malaman ang mga nagbigay ng donasyon at mabigyan ng alalay bago magtungo ang mga ito sa lugar na apektuhan ng pagbaha sa lalawigan.
Bukod dito, sinabi rin ni Ambatali na may ilang mga kabahayan ang naanod ng malakas na alon ng tubig noong kasagsagan ng pag-uulan kung kaya’t bilang tugon ay isinasaayos na ang kanilang lilipatan na paglalaanan din ng pondo para sa muling pagtatayo ng kanilang mga nasiraang bahay.
Batay umano sa direktiba ng DSWD Central office, kung maaari ay ihiwalay na ng mga magbibigay ng use clothing donation mula sa mga bata at matatanda para mapabilis ang pagbibigay ng mga ito sa mga indibidwal na nasalanta ng kalamidad.
Tiniyak naman ng opisyal na maipapamahagi sa publiko ang lahat ng naibigay na donasyon mula sa iba’t ibang sektor.
Panawagan naman ni Ambatali sa publiko na maging alerto ngayong kasalukuyan ang pagpapakawala ng tubig sa dam para mapanatili nito ang lebel ng tubig.