Sa kabila ng Executive Order No. 62 na inilabas ni Pangulong Bongbong Marcos, na nagbaba ng taripa sa imported na bigas mula 35% hanggang 15%, tila hindi naman nagbago ang presyo nito sa merkado.
Bagama’t bumaba ng 20% ang taripa, ipinaliwanag ni Agricultural Sector Alliance of the Philippines, Inc. (AGAP) Rep. Nicanor Briones sa media forum sa Maynila na sa kabila nito, malinaw na mayroon nananamantala at mga kumikita.
Aniya, dapat ay nasa ₱41 to ₱45 per kilo lang ang bigas dahil sa pagbaba ng taripa kung saan apektado tuloy ang mga magsasaka lalo na’t higit ₱12 billion na kita ang nawala sa gobyerno na dapat sana ay pangsuporta at ayuda.
Una nang sinabi ng Department of Agriculture (DA) na ang nakikinabang dito ay ang mga importer o trader at hindi ang mga consumer na umaasa na bababa ang presyo ng bigas.
Inihayag ni Briones na dahil hindi nakinabang ang mga konsumer, iminungkahi nilang ituloy na ang pagre-review at kaagad bawiin ang pagbaba ng taripa kung saan ibalik sa 35% ang importation ng bigas.
Sakto rin ito dahil sa darating na anihan at kapag ibinaba ang taripa bababa na ang preyo ng bigas sa merkado at hindi na makapagsasamantala pa ang mga importer.