Grupo, umalma sa umano’y pamimili ng boto ng kampo ni Bulacan Board Member Allan Baluyot

Inalmahan ng grupong Filipinos Opposed to Corruption and Unjust System (FOCUS) isang anti-corruption watchdog ang napaulat na pamimili ng boto ng ilang kandidato sa lalawigan ng Bulacan.

Ayon kay Jun Braga, tagapagsalita ng grupo, nakarating sa kanilang tanggapan ang umano’y pamimili ng boto ng kampo ni Bulacan 4th District Board Member Allan Ray Baluyot gamit Short Message Service (SMS) o text message.

Bukod kay Baluyot, napaulat na nasangkot din sa parehong alegasyon sina San Jose Del Monte (SJDM) vice mayoral candidate Irene Del Rosario, congressional bet Ray San Pedro at si Bogs Violago ns isa ring kandidato.


Iginiit ni Braga na maliwanag na paglabag sa inilabas na guidelines ng Commission on Elections (COMELEC) ang pamimili ng boto bukod pa sa tahasang pagkasira ng kredibilidad ng kandidato na maihalal sa pwesto.

Sa kanyang Facebook page, itinanggi ni Baluyot ang insidente at sinabing na-clone lamang ang kanyang numero, kasabay ng pagsasabing mayroon lamang nagnanais na manira sa kanya.

Umabot na rin sa kaalaman ni Bulacan Gov. Daniel Fernando ang umano’y vote buying.

“Hindi po ako natatakot at natitigatig sa gitna ng kabi-kabilang ulat (text, photos, videos, affidavit of witnesses) ng karumal-dumal na hakbang upang maagang mandaya sa paparating na halalan. Ito lamang ang aking titiyakin, na ang mga nagsasagawa ng vote buying ay mananagot sa batas. Tayo ay nakahanda nang magsampa ng kaso sa tahasang paglabag at pagsasamantalang ito,” ani Fernando.

Bagamat, pinabulaanan na ni Baluyot ang alegasyon, naniniwala ang FOCUS na nararapat lamang na maimbestigahan ito.

Nanawagan din ang grupo sa Comelec na magsagawa ng pagsisiyasat upang mabigyang linaw ang insidente at matulungan ang mga botante ng Bulacan na kilalaning mabuti ang kanilang kandidato.

“Ang dapat na manalo sa halalan ay mga kandidatong karapat dapat at walang bahid ng dungis at paglabag sa mga pinaiiral na batas,” ayon pa kay Braga.

Facebook Comments