
Ikinalungkot ng August 21 Movement o ATOM ang pagkakahati-hati ng mga Pilipino kasunod ng pagka-aresto ng International Criminal Court (ICC) kay Pangulong Rodrigo Duterte.
Matapos ang pag-aresto at pre-trial ni Duterte, dinala ng kanilang mga tagasuporta sa social media ang kanilang hinaing habang ang ilan ay nagtungo sa kalsada upang ipanawagan na ibalik sa bansa ang dating pangulo.
Nanawagan si ATOM President Volt Bohol sa mga nagkakatunggaling pananaw na manatiling mahinahon.
Huwag na aniyang patulan ang mga patutsadahan sa social media upang hindi na makadagdag sa kaguluhan.
Ani Bohol, patuloy na magsasalita ang lahat tungkol sa katotohanan pero sa paraang hindi nang-iinsulto.
Aniya, matagal na panahon ding hinintay ang pagkamit ng hustisya kung kayat patuloy na magsikap ang lahat na di na manumbalik ang diktadurya o mapaniil na pamamahala.