Nababahala ngayon ang isang grupong makakalikasan sa paglipana ng mga iligal na paputok mahigit isang buwan pa bago mag-Bagong Taon.
Ayon sa BAN Toxics, lumabas sa kanilang market monitoring na lantaran na ang pagbebenta ng five star, whistle bomb, giant bawang at happy ball.
Ibinebenta ang naturang mga paputok sa Divisoria sa lungsod ng Maynila sa halagang ₱120 kada pakete.
Nanawagan ang grupo sa Philippine National Police (PNP) na ngayon pa lamang ay kumilos na at ipatupad ang Executive Order (EO) 28 na ipinalabas noon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte laban sa mga iligal na paputok.
Batay sa inilabas na listahan noon ng PNP, kabilang sa mga ipinagbabawal na paputok ay watusi, piccolo, pop-up, five star, pla-pla, lolo thunder, giant bawang, giant whistle bomb, atomic bomb, super lolo, atomic triangle, goodbye bading, large-size judas belt, goodbye Philippines, goodbye De Lima at iba pa.
Ayon sa Department of Health (DOH), ang mga paputok na ito ay delikado dahil posibleng malantad sa toxic chemical ang mga bata.
Kabilang sa mga kemikal na taglay ng mga illegal firecrackers ay cadmium, lead at iba pa.