Grupong Bayan, inalmahan ang kawalan ng konsultasyon sa planong taas-pasahe sa LRT line 1 at 2

Hinimok ng grupong Bagong Alyansang Makabayan o Bayan ang mga pasahero na tutulan ang napabalitang napipintong taas-pasahe sa Light Rail Transit (LRT) lines 1 at 2.

Iginiit ni Renato Reyes, Secretary General ng Bayan na hindi pa nakokonsulta ang publiko ukol dito.

Ito’y sa kabila ng sinasabing pag-apruba ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) sa resolusyon na taasan ng higit P2 ang board fare sa LRT line 1 at 2.


Ipinaalala ni Reyes na binanggit na noon ng Department of Transportation (DOTr) na wala munang taas-pasahe dahil sa taas ng presyo ng mga pangunahing bilihin at serbisyo.

Nilinaw ni Light Rail Transit Authority (LTRA) Administrator Hernando Cabrera na wala pang pinal na desisyon sa petisyon ng taas-pasahe.

Aniya, isa lang ang LTFRB sa siyam na miyembro ng board na dapat mag-apruba.

Kailangan din na dumaan ito sa public consultation at dapat aprubahan ng iba pang mga kasapi ng board tulad ng Department of Finance, Budget, DOTr, Department of Public Works and Highways (DPWH), National Economic and Development Authority (NEDA) at iba pa.

Facebook Comments