
Tuloy ang programa ng grupong Bagong Alyansang Makabayan (Bayan) kahit hindi sila nakakuha ng permit to rally mula sa Quezon City Government para sa paggunita sa EDSA People Power Revolution sa February 25.
Pero sinabi ni Mong Palatino na nakausap na nila ang QC LGU at mabibigyan sila ng permit kapag sa White Plains sila magsasagawa ng programa.
Kaya giit ni Palatino, may permit man o wala ay tuloy ang kanilang malawakang kilos-protesta.
Una rito, sinabi ni Palatino na kaya hindi nagkaroon ng joint program ang iba’t ibang grupo ay dahil sa pahayag ni Francis “Kiko” Dee, co-convenor ng Tindig Pilipinas, na bawal ipanawagan ang pagpapatalsik kay Bongbong Marcos sa paparating na kilos-protesta sa Miyerkules.
Aniya, ang paghadlang umano ni Dee sa ilang panawagan ay pagtalikod sa tunay na diwa ng EDSA.
Iginiit din ni Palatino na hindi sapat ang sigaw lamang na managot at makulong ang lahat ng sangkot sa korapsiyon kaugnay ng maanomalyang flood control projects.
Huwag din aniya ipagwalang-bahala ang alegasyon na sina Pangulong Marcos at Sara Duterte ang umano’y nasa likod ng korapsiyon sa pamahalaan.










