Pinangangambahan ngayon ng grupong Federation of Free Worker (FFW) ang pagbulusok ng ekonomiya ng bansa matapos na maraming mga kumpanya ang nagsasara dahil sa mahabang lockdown na ipinatutupad ng gobyerno.
Ayon kay FFW President and Nagkaisa Chairman Atty. Sonny Matula, inaasahan na ng grupong Federation of Free Workers ang pagbulusok ng 16.5 porsyento ng Gross Domestic Products (GDP) na mauuwi sa mga tanggalan ng trabaho.
Nakasalalay aniya sa Duterte Administration sa pagbalanse ng Monetary at Fiscal Policies sa pagtugon sa paglaban natin sa COVID-19 pandemic at pagbibigay kalinga sa mga manggagawang Pilipino gayundin sa mga negosyante na nagsasara dahil sa muling ipinaiiral ang Modified Enhanced Community Quarantine (MECQ).
Paliwanag ni Atty. Matula na naisip nila na sa susunod na 4 quarters ng ekonomiya makikita ang walang pagkilos at mababa ang paglago maliban na lamang kung mababakunahan ang nakararaming mga Pilipino upang mapigilan ang pagkalat ng virus.
Dagdag pa ni Matula, dapat palakasin at palawakin pa ang pagbibigay ng social protection mechanism at health system sa mga manggagawa at suportahan ang mga negosyante upang magbukas ng negosyo at magkaroon ng trabaho ang mga naka- istambay lang sa kanilang bahay.
Giit ni Atty. Matula, hindi na sila makapag -antay pa sa mabagal na tugon ng gobyerno na dapat makinig sa mga hinaing ng mga manggagawa sa kanilang mga pangangailangan.