Tinuligsa ng militanteng human rights group na Karapatan ang pagkontra ng pamunuan ng Manila City Jail Female Dormitory sa ibinigay na furlough sa detained activist na si Reina Mae Nasino para makadalo sa libing ng kaniyang nasawing sanggol.
Naninindigan kasi ang Manila City Jail na security risk si Nasino dahil maituturing itong high profile detainee at kulang sila ng tauhan na magbabantay dito.
Maliban dito, ikinakatuwiran ng Manila City Jail ang COVID-19 pandemic na posibleng makakuha ng virus si Nasino at makahawa kung palalabasin.
Ayon sa Karapatan, nagdadahilan lang ang Manila City Jail at nilalabag ang karapatan ni Nasino.
Dahil dito, nagsagawa ng kilos protesta ngayong araw sa harap ng Commission on Human Rights ang Karapatan upang igiit ang pagpapatupad ng furlough.