Grupong Kilusang Mayo Uno, nagtungo sa DOJ upang hilingin na palayain ang mga political prisoner ilang araw bago ang SONA ni PBBM

Nagtungo sa tanggapan ng Department of Justice (DOJ) ang ilang miyembro ng Kilusang Mayo Uno (KMU).

Ito ay upang ipanawagan ang pagpapalaya sa halos 30 nilang kasamahan na nakapiit sa iba’t ibang kulungan sa bansa.

Ayon kay KMU Secretary General Jerome Adonis, inuutusan umano nila si Justice Secretary Jesus Crispin Remulla na palayain ang lahat ng mga political prisoner ilang araw bago ang ikatlong State of the Nation Address ng Pangulong Ferdinand Marcos Jr.


Aniya, ginagawa lamang ng trade unionists ang kanilang tungkulin upang magkaroon ng maayos na lagay sa trabaho ang mga manggagawang Pilipino, maging makatarungan ang sahod at magkaroon ng mga benepisyo na nakasaad umano sa constitutional at labor rights.

Kasunod nito, hinimok din ng grupo na buwagin ang National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) at maibigay ang hustisya sa mga sinasabing biktima ng pang-aabuso noong nakaraang administrasyon.

Wala pa namang pahayag ang DOJ kaugnay sa mga ipinapanawagan ng grupo.

Facebook Comments