Nagpaalala ang Liga ng Transportasyon at Operators (LTOP) sa mga individual operators na kinakailangan nang pumaloob sa franchise consolidation para makapag- avail ng mga benepisyo sa ilalim Public Utility Vehicle (PUV) Modernization.
Ayon kay LTOP President Lando Marquez, pagsapit kasi ng unang linggo ng Hulyo, hindi na maaring magparehistro ang mga individual operator kung hindi nag-consolidate bilang kooperatiba alinsunod sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) Memorandum Order 2018-008.
Ani Marquez, sa halip na mag-rally sa kalsada ay mas mainam na sumunod na lamang ang mga ito upang hindi magsisi sa bandang huli.
Ani Marquez, tuluy-tuloy na ang programa dahil mismong ang publiko na ang naggigiit na magkaroon ng ligtas, kumbinyente at affordable na transport system.
Sa ilalim ng programa, makakapag-avail ng pautang ang mga miyembro ng Kooperatiba upang makabili ng bagong-bagong sasakyang pampasada.
Huwag na aniyang magpadala sa mga kumukumbinsi na mawawala ang programa kapag nagpalit ng administrasyon dahil naka-commit na ang programa sa Global Public Transport program.
Inaanyayahan ng LTOP ang mga individual operator na dumalo sa seminar na magbibigay gabay sa kanila kung paano mag-consolidate bilang Kooperatiba.
Gaganapin ito tuwing Sabado sa oras na ala una hanggang alas kuatro sa himpilan ng DZXL RMN Manila.