
Sa gitna ng pabago-bagong lagay ng panahon, tuloy pa rin ang ilang miyembro ng grupong Manibela sa kanilang tigil-pasada.
Partikular ang mga tsuper ng jeep na may terminal sa ilalim ng Nagtahan Bridge sa Maynila, kung saan hinihikayat nila ang ibang grupo na makiisa sa kanilang protesta.
Muli nilang panawagan na ang hakbang na ang hakbang na kanilang ginagawa ay para sa kapakanan ng mga tsuper ng jeep at para mabigyan sila ng pagkakataon na maresolba ang pagkaantala sa pagpaparehistro ng kanilang mga sasakyan.
Ayon pa sa grupo, nangangamba sila dahil patuloy na hinihingan ng provisional authority ang kanilang mga driver at operator ng mga hindi pa naka-consolidate na public utility vehicles (PUV).
Ito’y sa ilalim ng jeepney modernization program ng pamahalaan, kung saan hindi pa sumasailalim sa proseso ang kanilang samahan.
Panawagan nila na mapagkalooban pa sana sila ng limang taong prangkisa upang makapagbiyahe at makapag-ipon ang mga operator at driver para makakuha ng modern jeep.
Bantay-sarado naman ng Manila Police District (MPD) ang ginagawang tigil-pasada, habang tumutulong ang Manila Traffic and Parking Bureau (MTPB) sa pagmamando ng trapiko.









