Grupong MANIBELA, itutuloy ang 3-araw na tigil-pasada simula sa Martes kahit may panawagan ang Malacañang na huwag na itong ipatupad

Nanindigan ang grupong MANIBELA na itutuloy nila ang isasagawang tatlong araw na tigil-pasada simula sa Martes, sa kabila ng hirit ng Malacañang na huwag na itong ipatupad.

Una nang hiniling ni Pangulong Bongbong Marcos na pag-aralan ng Department of Transportation (DOTr) ang hinaing ng mga transport group, kasabay ng hiling nitong iregalo na lang sa mga commuter ang hindi pagsasagawa ng tigil-pasada.

Pero ayon kay Manibela Chairman Mar Valbuena, wala silang opsiyon kundi magsagawa ng transport strike dahil sa kabiguan ng pamahalaan na tugunan ang kanilang hinaing.

Kabilang na rito ang umano’y panggigipit sa mga drivers at operators, pagsuspindi at revocation ng kanilang mga lisensiya dahil sa demerit points, pagtanggal ng plaka, at pag-impound sa mga jeep na lubhang nakakaapekto sa kabuhayan ng mga tsuper.

Kasabay nito, tiniyak ni Valbuena na kanilang itataguyod ang kanilang karapatan para magkaroon ng pagbabago sa bulok na sistema ng pamahalaan.

Facebook Comments