Grupong Manibela, umaasang tutuparin ng gobyerno ang kanilang napag-usapan

Umaasa ang grupong Manibela na magkakatotoo ang lahat ng kanilang pinag-usapan kagabi ng mga opisyal ng Marcos administration sa Malacañang kaugnay sa PUV Modernization Program.

Ayon kay Manibela President Mar Valbuena, pangunahin sana na totohanin ng gobyerno ay ang hindi pag-phaseout sa mga traditional na jeepney.

Paliwanag ni Valbuena, muling inulit kahapon sa kanilang pulong sa Malakanyang na kailangan na pagaanin ang sistema at proseso para sa mga driver at operator kabilang dito kung kailangan na irehabilitasyon ang mga tradisyunal na jeepney.


Dagdag pa ni Valbuena na pag-uusapan umano kung paano mapaplantsa ang isyu sa pagsali sa kooperatiba.

Pag-aaralan din umano ng Malakanyang kung paano ang gagawin o kung kailangan pa na maglabas ng panibagong Memorandum Circular hinggil sa naturang isyu.

Maghihintay na lang aniya sila sa panibagong patawag upang mag-usap-usap muli sila kaugnay sa naturang usapin.

Facebook Comments