Inihalintulad ng grupong Movement Against the Anti-Terrorism Act (MATA) ang krisis noong 1983-1985 kung kailan pinaslang si dating Senador Ninoy Aquino at nabaon sa dayuhang utang ang bansa.
Ayon kay Nagkaisa Labor Coalition President Atty. Sonny Matula, mayroong pagkakaiba ang dalawang krisis na ito dahil noong panahon umano ni Ninoy Aquino, ito ay diktadurang nauwi sa krisis at ngayong panahon naman ni Pangulong Duterte, ito naman umano ay krisis na hinaharap ng administrasyon sa paraan ng diktadura.
Paliwanag ni Atty. Matula, mas malala, malawak, at malalim kung tutuusin ang krisis natin ngayon dahil sa kombinasyon ng pandemya at krisis sa pamumuno ng administrasyong Duterte.
Naiwasan sana ang malalim na resesyon (16.5%), napigilan ang paglawak ng impeksyon, at hindi umabot sa 45.5% ang adult unemployment kung mahusay at makatao ang naging tugon ng administrasyon sa krisis ng COVID-19.
Giit pa ni Atty. Matula, sa halip militarisasyon at mahigpit na lockdown ang ipinatupad ang dapat namamayani sa COVID response ay health experts.
Mali-mali at kapos ang naging sistema ng ayuda kaya’t marami ay nauwi sa pamamalimos, kabilang ang mga tsuper ng dyip.
Libo-libong mahihirap ang nagmulta at nakulong dahil sa paglabag sa quarantine habang ang mga VIP na pasaway ay ligtas sa batas.
Sa harap din ng pandemya ay nauna pang naisabatas ang Anti-Terrorism Act kaysa sa stimulus packages na kailangang-kailangan ng ekonomiya at mamamayan.