Naniniwala ang grupong Nagkaisa Labor Coalition na kapag pinipigilan ng gobyerno ang bawat indibidwal na magsagawa ng mapayapang kilos protesta ay walang ibang patutunguhan kundi takot at pangamba ng mga magsasagawa ng rally sa State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Ayon kay Nagkaisa Labor Coalition President Atty. Sonny Matula, sa kabila ng hindi pagpayag ng Department of the Interior and Local Government (DILG) at Inter-Agency Task Force on Emerging Infectious Diseases (IATF-IED) sa mga kilos protesta sa SONA ni Pangulong Duterte, tuloy pa rin ang kanilang hanay sa pagkakalampag upang iparating sa pangulo ang kanilang mga hinaing tungkol sa problema ng mga manggagawa.
Paliwanag ni Atty. Matula, hindi ipinagbabawal sa Saligang Batas ang paghahayag ng kanilang mga saloobin at hindi umano ma-over power ito ng IATF Resolution 57 at DILG memorandum.
Giit ni Atty. Matula, hindi natutupad ng Pangulo ang kanyang mga pangako sa mga manggagawa kayat sisingilin nila ito mamaya sa pamamagitan ng pagpapahayag ng kanilang mga hinaing sa gobyerno.
Dagdag pa ni Matula, walang dapat ipangamba ang gobyerno tungkol sa posibleng paghahawaan sa nakamamatay na virus dahil tatalima naman umano sila sa Health Protocol Measures gaya ng pagsusuot ng face mask, face shield, social distancing at pagdadala ng alcohol upang matiyak na hindi sila mahahawaan ng COVID-19.